-- Advertisements --
PBBM 2

Idinipensa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang muling pagkuha nito sa serbisyo ng mga dating opisyal ng militar at dati na ring nagsilbi sa nagdaang administrasyong Duterte.

Sa panayam kay Pangulong Marcos pagkalapag ng kanilang eroplano sa Switzerland, sinabi nito na kinuha niya muli si dating Department of Interior and Local Government Secretary at ngayon ay National Security Adviser Eduardo Año dahil sa napakatagal na nitong karanasan sa intelligence.

Ipinaalala ng pangulo na si Año ay dating nasa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines o ISAFP bago pa man ito naging Armed Forces of the Philippine Chief of Staff.

Kaya sanay na sanay na aniya ito at batid na ang lahat ng operatiba sa intelligence community.

Sa kaso naman ni AFP  Chief of Staff General Andres Centino, sinabi ng pangulo na inaayos kasi nila ang isyu  ng seniority at ranggo sa AFP.

Paliwanag ng pangulo, si Centino kasi ang may hawak ng apat na bituin sa balikat at si dating AFP Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Bacarro ay tatlong bituin lamang.

Kaya kailangan aniya itong ayusin para hindi magkagulo  o makaramdam ng mababang morale at hindi maapektuhan ang mga nasa mas mababang ranggo.

Si dating national task force against covid 19 chief at ngayon ay Department of National Defense Secretary Carlito Galvez Jr. ay mayroon din aniyang malawak na karanasan bilang isang dating military official at bihasa na sa pangangasiwa sa aspeto ng kapayapaan at seguridad.

Ayon sa pangulo batid na ni Galvez  ang mga dapat gawin kaya naniniwala aniya siyang magiging madali na para sa opisyal na pangasiwaan ang Department of National Defence.