CAGAYAN DE ORO CITY – Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na tila mahihirapan ito na tuluyang matuldukan ang suliranin ng internal security problem na pinasimunuan ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) sa bansa.
Ito ay kahit pinalakas pa ng pangulo ang kampanya upang labanan ang mga panggugulo ng grupo na nagresulta sa mga malawakang engkuwentro sa pagitan ng state forces saan mang sulok ng mga kanayunan.
Ginawa ni Duterte ang pahayag nang pingunahan nito ang joint meeting ng Regional at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa isang unibersidad ng Cagayan de Oro City kahapon ng hapon.
Inihayag ng pangulo na siya ring chairman ng NTF-ELCAC na bagama’t walang maaasahan ang CPP founder na si Jose Maria Sison na “coalition government,” subalit bukas pa rin daw ito na suyurin ang mga kuta ng mga rebelde para makipag-usap ukol sa kapayapaan o mga suliranin na kinakaharap ng bansa.
Samantala, pinasalamantan pa rin ni NTF-ELCAC Vice Chairman National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., si Duterte sa pagpursige na pabagsakin ang kilusang komunista at rebelde sa bansa.
Kasabay ito nang paglalahad ni Esperon ng accomplishment ng RTF-ELCAC Northern Mindanao kung paano nilalabanan ang impluwensiya ng mga rebelde kung saan na-dismantle ang tatlong guerilla fronts ng grupo sa gamit ang bilyun-bilyong pondo mula national government.
Sa kabilang dako, inatasan rin ni Duterte sina Technical Education and Skills Development Authority Director Isidro Lapeña at Agriculture Secretary William Dar na agad asikasuhin ang mga nabigyan ng certificates of land ownerships na mga magsasaka sa Hilagang Mindanao at ibang bahagi ng bansa.
Ito ay upang makapagsimula agad ng kanilang mapagkukunan ng hanapbuhay at maiwasang makumbinse pa ng mga panghihikayat na gagawin ng mga kaanib ni Sison.
Tiniyak ng pangulo na ibibigay nito lahat ng mga lupain na hawak ng administrasyon para sa mga magsasaka na benipisaryo ng land reform program ng gobyerno.