BOMBO DAGUPAN – Huwag husgahan ang administrasyon, huwag husgahan ang pamumuno sa pamamagitan ng paglalakbay na tinatahak nito kundi sa dulo ng destinasyon.
Ito ang binigyang diin ni Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino sa wikang Ingles sa kaniyang naging pahayag sa isinagawang flag raising ceremony kamakailan sa Provincial Capitol sa bayan ng Lingayen.
Aniya, masusukat ang kanilang kontribusyon para sa probinsya sa pamamagitan ng kanilang naging dedikasyon sa serbisyo.
Ginawa ng Bise Gobernador ang pahayag na ito kaugnay sa mga lumalabas na kritiko patungkol sa mga pinuputol na puno sa paligid ng Kapitolyo dahil sa mga proyektong kanilang isasagawa.
Siniguro nito na wala silang gagawin o sasagasaan kahit sinuman, malaki man o maliit.
Kasabay din nito ang mga umusbong na political mandates kung saan kinukwestyon kung bakit nae-elect muli ang mga elected officials.
Hindi nito binalewala ang ilang mga komentong naririnig mula sa mga kritiko ngunit nangako ang kanilang administrasyon para sa pagbabago ng lalawigan ng Pangasinan para sa ikabubuti ng mga residente.
Marami na aniya silang binitawang pangako at commitments sa lalawigan simula sa edukasyon, transportasyon, ekonomiya at agrikultura at sa nakalipas na dalawang taon, ibinuhos nila ang kanilang makakaya upang isakatuparan ang mga pangakong ito.
Sa nalalapit na pagtatapos ng kanilang termino sa darating na 2025 election, dito pinahihintulutan ni Lambino na husgahan ang kanilang naging serbisyo at sinabing marami na silang natapos na mga proyekto kaya’t nakasisiguro itong marami pang matatapos sakaling sila muli ang mailuklok sa pwesto.
Samantala, hinikayat nito ang mga residente na patuloy na magtiwala sa kanilang mga pangako at serbisyo.