Bigyang prayoridad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mapangalagaan ang mental health ng mga sundalo.
Ayon kay Acting AFP Spokesperson Colonel Medel Aguilar, isa ito sa sinisiguro ni AFP Chief of Staff Lieutenant General Bartolome Bacarro.
Batid aniya ng AFP chief ang “stress” na nararamdaman ng mga sundalo partikular yung mga napapasabak sa labanan.
Dagdag ni Aguilar, na pahuhusayin rin ni Lt. Gen. Bacarro ang kasalukuyang healthcare system ng AFP, upang maging mas epektibo sa pagtugon sa pangangailangan ng mga sundalo at kanilang dependents.
Kasama dito ang pagpapatuloy ng Comprehensive Social Benefit Program para sa pamilya ng mga sundalo.
Samantala, ipinaabot ni Aguilar ang pasasalamat ng AFP Chief sa Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pagsulong ng plano na magtayo ng mga ospital para sa mga beterano sa Visayas at Mindanao.
Nakahanda aniya ang AFP na magbigay ng technical at manpower support sa pamamagitan ng AFP Engineering Battalions, upang mapabilis ang proyekto.