-- Advertisements --

Planong pag-aralan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang usaping may kinalaman sa ‘period poverty’ na nararanasan ng mga kababaihan upang malaman ang mga sanhi at lubos na maunawaan ang problemang dulot nito.

Ang ‘period poverty’ ay nangyayari kung ang mga babae ay walang kakayahang makabili ng mga sanitary products, kakulangan sa access ng hygiene facilities at maging sa kaalaman patungkol sa kanilang buwanang dalaw dulot ng kahirapan.

Ayon kay Pangadaman ang kakulangan sa mga ganitong aspeto ay lubhang nakakaapekto sa emosyonal at pisikal na kalagayan ng mga nakararanas nito.

Bukod pa rito ipinabatid din niya na nagdudulot din ito ng urinary tract infections at maging depresyon sa mga kababaihan.

Sa isang panayam sa 68th annual Commission on the Status of Women (CSW68) sa New York ay sinabi ni Pagadaman na nararapat lamang na pagtuunan ng atensiyon ang isyu ng ‘period poverty’ kasabay ng pagtugon sa iba’t ibang mahahalagang sektor gaya ng edukasiyong pinansiyal.

Kung kaya’t nais tugunan ni Pangandaman ang agarang pangangailangan na tulungan ang mga kababaihan na labanan ang “period poverty” sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay pansin at paglulunsad ng mga usapin patungkol sa menstrual health para sa lahat ng mga kababaihan.