-- Advertisements --

Dapat totohanin umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nitong magbitiw sa puwesto kung ang kanyang anak na si Davao City Rep. Paolo Duterte ay tumakbo sa speakership race.

Ayon kay House Majority Leader Fredenil Castro, para patuloy na maging kapanipaniwala at gagalangin ng publiko ang Punong Ehekutibo dapat tuparin daw nito ang kanyang mga pangako.

“If he said before he will resign, he has to resign if Paolo Duterte runs for the speakership,” ani Castro sa isang panayam.

Magugunita na Mayo 27 nang sabihin ni pangulong Duterte na magbibitiw siya sa puwesto sa oras na tumakbo ang anak niyang si Paolo sa speakership race sapagkat marami nang miyembro ng kanilang pamilya ang may hawak na posisyon sa gobyerno.

Pero sinabi ng nakababatang Duterte na posible siyang tumakbo sa pagka-speaker ng Kamara sa 18th Congress sa oras na ituloy ng mga kapwa niya mambabatas ang napaulat na term sharing.

Samantala, aminado naman din si Castro na posibleng maging “unifying factor” ang nakababatang Duterte sa ngayon ay “divided” aniya na Kamara.

Pero kung siya raw ang tatanungin, si Leyte Rep. Martin Romualdez ang kanyang susuportahan dahil na rin sa kakayahan daw niton na mag-organize o bumuo ng isang malakas na coalition na magsusulong sa legislative agenda ni Pangulong Duterte.