Nagtungo sa Navotas City Pangulong Ferdinand Marcos Jr para tingnan ang sitwasyon doon ng mga residenteng apektado pa rin hanggang ngayon ng pagbaha.
Isa ang Navotas sa matinding nilubog sa baha na likha ng bagyong Carina at habagat sa Metro Manila.
Maraming mga residente ang nasa labas ng kani kanilang bahay at nakahanay sa kalsada para panoorin ang pag iikot ng pangulo.
Maraming maliliit na bangka ang nakahanay din sa baha na siyang ginagamit ngayong paraan ng transportasyon ng mga residenteng ayaw lumusong sa baha.
Sinamantala na rin ng pangulo ang pagkakataon para mamigay ng relief boxes sa mga residenteng nakalusong sa baha para maghanap ng makakain ng pamilya.
Personal ding ininspeksyon ng pangulo ang north navotas pumping station navigational gate kung saan nasira ito ng isang barge na bumangga sa istruktura kaya tuloy tuloy ang pagpasok ng tubig sa komunidad.
Binigyan ng maikling update ang pangulo sa sitwasyon ngayon ng navigational gate at ang idinudulot nitong epekto o perwisyo sa Navotas at Malabon.