-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagpaalala ang pamunuan ng Santiago City Police Office (SCPO)sa mga negosyanteng patuloy na nagpupuslit at nagbebenta ng mga iligal na paputok .

Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan na talamak na pagbenta ng mga iligal na paputok sa pamilihang Lungsod ng Santiago kung saan naaktuhan ang pagbebenta ng negosyante sa mga batang bumibili ng mga iligal na paputok at kinukumbisi pa silang huwag ipaalam sa mga otoridad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Warlito Jagto, Chief ng Santiago City Police Communications Affairs and Development Branch, kanyang ipinaliwanag ang mga parusa sa mga mahuhuling nagbebenta, gumagawa at gumagamit ng mga iligal na paputok .

Aniya, Maaring kaharapin ng mahuhuli ang kasong paglabag sa Republic Act 7183 ( An act regulating the sale, manufacture, distribution and use of firecrackers) ng pagkakulong ng hanggang anim na buwan at may piyansang Php20,000.00 hanggang Php30,000.00.

Kabilang sa listahan ng mga ipinagbabawal na paputok sa naturang batas ang Wattusi, picollo, super Lolo, atomic big triangulo, mother rockets, Lolo thunder, pillbox, boga, sintron ni hudas, big bawang, kwiton, goodbye philippines, kabasi, atomic bomb, 5 star, pla-pla, whistle bomb at mga paputok na walang manufacturer o pangalan.

Nagbabala pa si PLt. Col. Jagto na mayroon nang itinalagang beat patrollers na magmamanman sa mga nagbebenta ng illegal na paputok at kapag may naaktuhan ay hindi na sila mag-aatubiling dakpin at sasampahan ng kaso.

Sa mga batang mahuhuling gumagamit ng iligal na paputok ay kaagad namang dadamputin at ipapasakamay sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office.