CAUAYAN CITY – Labis na ikinalungkot at ikinadismaya ng pamunuan ng Our Lady of the Pillar Parish Church ang ilang kaguluhan na naganap pagkatapos ng Misa De Gallo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Anthony Pizarro, Guest Priest sa Our Lady of the Pillar, sinabi niya na ikinalulungkot ng simbahan ang mga ganitong pangyayari lalo na at mga galing pa sa simbahan ang ilan sa mga kabataan na nasangkot sa kaguluhan.
Paalala ng simbahan sa mga magulang ng mga kabataang dumadalo sa simbang gabi na huwag maging kumpiyansa sa mga sinasamahang barkada ng kanilang mga anak.
Matatandaang noong ikalawang gabi ng Misa de gallo ay nangyari ang rambulan ng grupo ng mga kabataan sa labas ng simbahan at nasundan noong Martes na ikinamatay ng isang binata at pagkasugat ng isa pa.
Ipinaabot naman ng simbahan ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng namatayan noong Martes ng umaga.
Mungkahi ni Father Pizzaro sa mga magulang na samahan ang kanilang mga anak sa pagsisimba at huwag ipagkatiwala ang kanilang mga anak sa kanilang mga kaibigan.
Umaasa sila na hindi na mauulit ang mga ganitong pangyayari dahil wala umanong lugar ang karahasan sa simbahan at sa lipunan.