-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Nananatiling nakaalerto ang mga residente ng Haifa sa Israel kahit pa malayo sila sa Gaza Strip ngunit malapit naman sila sa border ng Lebanon.

Ayon kay Joel Laurente, Bombo International News Correspondent sa Israel, ang pangunahing binabantayan ng mga tagapamuno sa kanilang lugar ay ang posibleng pag-atake ng Hezbollah na nanggagaling sa Lebanon.

Kaugnay nito, naglabas na ng kautusan ang kanilang pamahalaan na simulan nang ayusin ang mga bomb shelters upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan sakaling sumiklab ang posibleng pag-atake ng naturang grupo.

Samantala, ayon naman kay Susana Claridad, ang Bombo International News Correspondent sa Israel, bagamat patuloy nilang pinangangambahan ang susunod na mga mangyayari, hindi pa rin nila nanaising bumalik ng Pilipinas.

Karamihan aniya kasi sa mga kapwa nila Pilipino na umuuwi ng bansa, ang madalas na daing ay walang maayos na pasahod at hindi sigurado ang hanap buhay.

Panawagan na lamang nito sa gobyerno ng Pilipinas na sana ay maging maayos ang kanilang pamamalakad upang hindi na kinakailangan pang makipagsapalaran ng mga Overseas Filipino Workers na katulad niya sa ibayong dagat.