-- Advertisements --

Naglabas ng pahayag si Pamplona Mayor at incoming Negros Oriental 3rd district Representative Janice Degamo, ang maybahay ng pinaslang na si dating Negros Oriental Governor Roel Degamo kasunod ng pagkakaaresto ni dating congressman Arnolfo Teves Jr. sa Timor-Leste.

Sa isang statement, sinabi nito na ang pagkakaaresto kay Teves ay isang mahalagang hakbang tungo sa hustisiya hindi lamang para sa kanilang pamilya, kundi maging sa mamamayan ng Negros Oriental at sa buong bansa na nagulantang sa kasuklam-suklam na pagpatay sa kaniyang asawa at 9 na iba pang indibidwal noong Marso 4, 2023.

Sa loob aniya ng dalawang taon, malinaw at hindi natitinag ang kanilang panawagan na ang mga responsable sa karumal-dumal na krimen ay dapat na mapanagot saan man sila magtago.

Magsilbi aniyang paalala ito na walang sinuman ang nakakataas sa batas. Pinagtitibay din aniya ng pagkakaaresto kay Arnie Teves ang malakas na international cooperation at ang kolektibong paghahanap ng hustisiya.

Umaasa naman ang kampo ni Degamo sa maayos na legal proceedings na magdadala ng pangmatagalang kapayapaan sa kanilang probinsiya at matagal na hustisiyang inaasam para sa kaniyang minamahal na asawa at sa daan-daang katao na nagdusa sa mga kamay ng Teves Terrorist Group.

Una rito, sinabi ni Degamo na dinakip ng mga awtoridad sa Timor-Leste si Teves kagabi, dahil sa pagiging illegal alien nito, kawalan ng valid Philippine passport at subject din aniya si Teves ng international alert mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) at may standing warrant mula sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa brutal na pagpatay sa kaniyang asawa at 9 na iba pa sa Pamplona massacre.