DAGUPAN CITY — “Naghihintay kami ng milagro noong gabing iyon.”
Ito ang ibinahagi ni Rolly Guiam, Overseas Filipino Workers Advocate, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa naging pakikipagusap nito sa pamilya ng nasawing Filipino sa giyera sa Israel.
Aniya na sa kanyang pakikipagugsap sa pamilya ni Paul Vincent Castelvi, isang Filipino na nagtatrabaho sa Israel na tubong San Fernando City, Pampanga, ibinahagi nito isinalarawan ito ng kanyang pamilya at mga kaanak bilang isang breadwinner na ang nais lamang ay makatulong sa kanyang pamilya at maitaguyod ang kanyang asawa na kasalukuyang nagbubuntis at nasa Israel rin nang maganap an paglusob ng mga Hamas.
Saad nito na nakilala nito ang pamilya ng biktima sa pamamagitan ng kaanak nito na nagtatrabaho sa kanyang kaibigan na isang inhinyero, na nagsabi sa kanya na isa sa mga kaswalidad ng bansa sa Israel ay residente ng naturang lungsod.
At bilang isang OFW advocate ay hiningi nito ang address ng mga pamilya at mga kaanak ng biktima at nagtungo siya roon upang kumustahin ang kanilang kalagayan, subalit hindi pa kumpirmado ang pagkasawi ni Paul Vincent nang mga oras na iyon.
Ani Guiam na nararamdaman nito ang bigat ng saloobin ng mga kaanak ng biktima, habang hiniling naman ng pamilya nito na nagkamali lamang sila ng hinala at hindi nga ito ang nasawi, subalit sa kasamaang-palad ay kinumpirma ito mismo ng kanyang asawa.
Ibinahagi pa nito na nakikipagugnayan na rin ang Department of Foreign Affairs sa embahada ng bansa sa Israel, habang nakausap na rin ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mga magulang at isang kapatid ng biktima para sa pagpapauwi ng asawa ng biktima.
Kaugnay nito ay nagpahayag si Guiam ng pagkadismaya sa sumiklab na sagupaan ng Israel at Palestine dahil isang inosenteng Filipino, na ang tanging nais lamang ay maitaguyod ang kanilang pamilya, ang nadamay muli sa kaguluhan ng dalawang bansa.
Kasabay nito ay ang paghingi at panawagan naman ng pamilya ng biktima sa DMW ng hustisya sa pagkasawi ni Paul Vincent dahil hindi sapat na kapalit ng kanyang buhay ang pahingi ng tawad, lalo na’t nagdadalang-tao ang may bahay ng biktima.