Tiniyak ng Palasyo Malacañang ang tulong sa mga naulila ng tauhan nilang nasawi sa loob ng complex nitong Huwebes.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, nagpa-abot na sila ng pakikiramay at ginagawa nila ang lahat para maalalayan ang pamilya ni Mario Castro, na isang empleyado ng Information Communications Technology Office sa ilalim ng Deputy Executive Secretary for Finance and Accounting.
Samantala, iniimbestigahan na rin ng Manila Police District (MPD) ang ilang security personnel matapos mahulog mula sa ika-apat na palapag si Castro.
Ayon kay Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD – Homicide Section, mahalaga ang salaysay ng mga guwardiya ng Agilex Security Agency, dahil sila ang nakarinig ng pagkahulog at sila din ang unang dumating sa pinangyarihan ng insidente.
Inaalam na aniya kung nagkaroon ng foul play habang isinailalim sa otopsiya ang bangkay ni Castro.