Inanunsyo ng Israeli embassy na ang pamilya ng isa sa mga Pilipinong napatay sa pag-atake ng Hamas sa Israel ay tatanggap ng patuloy na tulong mula sa gobyerno ng Israel.
Ito ay inihayag habang sinalubong ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss at Consul Moti Cohen ang labi ng Pinay na nasawi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kasabay nito ay nagpahayag ng pakikiramay si Fluss sa pamilya ni Grace Prodigo-Cabrera.
Ayon kay Fluss, itinuturing ng mga Israeli na bayani ang lahat ng OFW na pinatay ng Hamas.
Kabilang si Cabrera sa 1,400 indibidwal na napatay ng Hamas nang salakayin ng mga militante ang Israel noong Okt. 7.
Nagbigay ng katiyakan si Fluss na ibabalik ng gobyerno ng Israel ang 240 indibidwal na na-hostage ng Hamas at sisiguraduhin na ang mga terorista ng Hamas ay hindi na muling makakagawa ng gayong mga kalupitan sa hinaharap.