Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) kaugnay ng hindi nito paga-isolate o paghihiwalay sa apat na turistang Chinese mula Hong Kong na sinasabing na-expose sa kamag-anak na positibo sa N-Corona Virus.
Ayon kay Health Usec. Eric Domingo, nakausap na nila ang pamilya ng apat na Chinese tourists at natukoy na walang kahit isa sa mga ito ang may sakit.
Nangako rin daw ang pamilya ng mga ito na agad ipapaalam sa Health department ng Pilipinas kung makikitaan ng sintomas ng bagong strain ng coronavirus.
Batay sa datos ng health authorities sa China, nasa 547 na kaso na ang naitala sa mainland. May 8 bagong kaso rin ng pagkamatay dahil sa sakit.
Paliwanag ni Domingo, maaari lang nilang pag-suspetsahan sa sakit ang sino mang may travel record sa Wuhan province ng China sa nakalipas na mga buwan.
Sa nasabing probinsya kasi nai-report ang outbreak ng sakit.
Sa ngayon, naipadala na raw sa isang laboratory sa Australia ang samples ng isang 5-year old na batang Chinese na na-admit sa Cebu City.
Mabuti naman daw ang lagay nito pero hindi pa pinayagang ma-discharge ng ospital.
Samantala, ipinagpaliban muna ng World Health Organization ang pagde-desisyon kung ide-deklara ng global health emergency ang naturang sakit.