VIGAN CITY – Panalangin ang pangunahing hiling ng ina ng isang atletang sasabak sa 30th Southeast Asian (SEA) Games para sa tagumpay ng kaniyang anak at ng buong national team.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Estella Dacquel na ina ni Renalyn Dacquel na taga- Luzong, Manabo, Abra, na ito ang unang pagkakataon na lalahok sa nasabing regional biennial meet ang kaniyang anak sa larangan ng kickboxing.
Masasabi nitong baguhan pa lamang sa nabanggit na sports si Renalyn at nito lamang May 12 nang masungkit nito ang kaniyang unang kampeonato sa nilahukan nitong international kickboxing fight sa Hong Kong.
Ikinuwento ni Estella na ang hirap ng kanilang buhay ang naging inspirasyon ng kaniyang anak upang magpursige sa larangan ng kickboxing.
Napag-alaman na hanggang second year high school lamang ang natapos ni Renalyn bago ito sumabak sa kickboxing, ngunit dahil sa Alternative Learning System ay natapos nito ang kaniyang pag-aaral.
Sa December 7 hanggang 10 ang nakatakdang laban ni Renalyn at ng mga kasamahan nito.