-- Advertisements --

Maari nang simulan ngayong linggo ng mga local government units sa Metro Manila ang pamamahagi ng ayuda sa kanilang mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine sa buong National Capital Region (NCR), ayon kay Interior Secretary Eduardo Año.

Ito ay kung tapos na aniya na makapaghanda ang mga LGUs sa mga kakailanganin nila sa pamamahagi ng ayuda matapos na maglabas ang tatlong kagawaran ng joint implementing guidelines para rito noon lang Biyernes, Agosto 6.

Sinabi ni Año na mayroong 15 araw ang mga LGUs para sa pamamahagi ng financial assistance pero posible rin namang palawigin ito kung hihilingin mismo ng mga lokal na pamahalaan.

Sa ilailm ng Joint Memorandum Circular No. 3 ng Interior, Social Welfare, at Defense departments inaatasan ang mga LGUs sa NCRs, sa supervision ng DILG, na mamahagi ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.

Ang bawat low-income individual sa NCR ay makakatanggap ng P1,000 at maximum na P4,000 kada low-income family naman na apektado ng ECQ.