Ipakakansela raw ng Food and Drug Administration (FDA) ang special certification na binigay nito sa ilang pumalya na COVID-19 rapid antibody test kits.

Sa isang report, nakasaad ang pahayag ni FDA director general Eric Domingo na nagsabing bahagi ang hakbang ng post-marketing surveillance na ginagawa ng ahensya para sa performance testing ng mga produkto.

Layunin daw nito na masigurong ligtas at de kalidad ang mga aprubadong rapid test kits.

Nilinaw naman ni Domingo na may sinusundang proseso ang approval nila sa naturang kits, matapos kwestyunin ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang pagpayag ng FDA na maibenta ang ilang brand ng rapid test kits na hindi rehistrado sa mga pinanggalingang bansa.

Ayon sa FDA chief, nagsisilbing back-up lang ang rapid kits para sa wastong management ng mga RT-PCR test kits, na ginagamit sa confirmatory testing.

Sa huling tala ng ahensya, may 62 brand na ng rapid antibody test kits na aprubado at para sa commercial use.

Ang bilang na ito ay bahagi ng 161 na kabuuang numero ng inaprubahang COVID-19 test kits ng FDA sa nakalipas na mga buwan.