Binatikos ng beteranong ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo ang tila palusot ng National Economic Development Authority (NEDA) kung bakit hindi nito suportado ang isa pang economic stimulus na proposed Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3) sa kabila ng malaking halaga na inutang ng Pilipinas para gamitin sa COVID-19 response.
Ayon kay Quimbo, sa pulong ng technical working group ng House Economic Affairs Committee kamakailan, sinabi ng NEDA na hindi raw natalakay ng Legislative- Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang Bayanihan 3 kaya hindi nila ito prayoridad sa ngayon.
Pangalawan, mayroon pa naman daw Bayanihan 2, 2020 General Appropriations Act, 2021 national budget, at CREATE law, na nakikita nilang sapat, para muling buhayin ang naghihinalong ekonomiya.
Subalit nang tanungin aniya nila ang NEDA kung magkano ang nakapaloob na COVID-19 respone sa mga batas na ito, sinabi ni Quimbo na hindi alam ng ahensya ang sagot dito.
Kaya malabo aniya kung paano masisiguro kung ang mga batas na ito ay sapat na tugon sa nawalang kita ng mga Pilipino na umabot sa P3.2 trillion nooong 2020 kung hindi rin naman alam ng NEDA ang halaga ng ayuda at iba pang COVID-19 response.
Bukod dito, hindi rin aniyang makakapagbukas ng tuluyan ang ekonomiya habang wala pang malawakang rollout ng bakuna at patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Kaugnay nito ay pinaalalahanan ni Quimbo ang NEDA sa mandato nito na hanapan ng solusyon ang problema sa economic development ng bansa.
Kaya umaapela ang kongresista sa NEDA na ikonsidera ang pagsuporta sa Bayanihan 3 dahil sa P420 billion na pondong gagamitin dito ay mapupunta para sa karagdagang ayuda sa mga pamilya, manggagawa, maliliit na negosyo, estudyante at guro na apektado ng pandemya.