Umapela ang Palestinian envoy to the PH sa gobyerno ng Israel na magbukas ng humanitarian corridor para payagang makapasok sa Gaza ang mga food relief at kinakailangan pang mga bagay para sa Israelis at mga banyaga na na-trap sa naturang teritoryo na kasalukuyang pinamumunuan ng militanteng grupong Hamas sa gitna ng nagpapatuloy na giyera.
Kaugnay nito, hiniling ni Palestinian Ambassador to the Philippines Saleh Mohammad sa israel na itigil ang lahat ng military operations panandalian para bigyang daan ang humanitarian aid sa Gaza.
Umapela din ito sa Tel Aviv authorities na maging bukas ang kanilang pintuan para sa mapayapang dayalogo sa liderato ng Palestine gayundin sa buong mundo para mamagitan sa giyera sa pagitan ng Israeli official at Hamas.
Sinabi din ng Palestinian envoy na welcome ang lahat ng mga nasyon gaya ng Us, UK, China, Russia, EU, PH at Africa basta’t mayroong magandang intensiyon para mamagitan upang mawaksan ang giyera.
Ginawa ng Palestinian envoy to the PH ang naturang panawagan kasunod ng napaulat na nauubos na ang basic supplies sa Gaza kabilang ang pagkain, tubig at kuryente habang sarado ang borders sa Gaza dahilan kayat nahihirapang makaalis ang mga banyaga kabilang ang ilang mga Pilipino na nananatiling stranded sa lugar.