-- Advertisements --

Nagpulong sa Malacañang ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaan nuong May 14,2026 upang suriin ang pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang implementasyon ng mga prayoridad na proyekto ng administrasyon.

Kabilang sa mga dumalo sa regular na assessment meeting ang Department of Agriculture (DA), Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd), at Department of Budget and Management (DBM).

Tinalakay ng mga ahensya ang mga isyu sa paggamit ng badyet upang mabawasan ang agwat sa pagitan ng pondong nailabas at aktwal na nagagastos para sa mga proyekto.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, umabot na sa P1.287 trilyon ang nailabas na pondo para sa ikalawang quarter ng taon.

Binigyang-diin ni Recto na mahalagang agad maramdaman ng publiko ang benepisyo ng mga programang pinopondohan ng gobyerno.

Aniya, mayroon pa ring mga bahagi ng pamahalaan na kulang ang paggastos o “underspending” kaya kinakailangang agarang maresolba ito.

Sinabi rin ng mga opisyal ng departamento na dapat mas mapakinabangan ang mga bagong patakaran sa procurement upang mapabilis ang pagkuha at implementasyon ng mga proyekto at maiwasan ang pagkaantala.

Ayon pa kay Recto, posible umanong pabilisin ang mga proseso nang hindi lumalabag sa batas at nananatiling malinaw at tapat ang sistema.

Dagdag niya, iniutos ni Pangulong Marcos na i-fast-track ang mga prayoridad na programa upang mapalakas ang ekonomiya sa gitna ng mga pandaigdigang hamon.

Sa mga nagdaang Cabinet meeting, paulit-ulit umanong binigyang-diin ng Pangulo ang pagpapabilis ng mga proyektong may malaking epekto sa ekonomiya, paglikha ng trabaho, pagpigil sa inflation, at pagpapatibay ng food security.

Ayon sa Palasyo, mahalaga ang patuloy na paggastos ng pamahalaan upang mapanatiling masigla ang ekonomiya at mapalakas ang paglago ng gross domestic product o GDP ng bansa.