-- Advertisements --

Ipinataw na ng Palasyo ng Malacañang ang anim na buwang suspensiyon sa mga opisyal ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) kasunod ng direktiba ng Office of the Ombudsman.

Sa isang memorandum na may petsang June 7 na nilagdaan ni Secretary Salvador Medialdea, inatasan nito si Deputy Director-General for Administration and Finance of ARTA, Undersecretary Carlos Quita para sa pagsisilbi ng kopya ng preventive suspensyon order ng Ombudsman kay ARTA Director-General Jeremiah Belgica, Deputy Director-Deneral Eduardo Bringas, Division chief Sheryl Pura-Sumagui, Directors Jedrek Ng at Melamy Salvadora-Asperin.

Nabatid na ipinag-utos ng Ombudsman noong Mayo 24, ang anim na uwang suspensyon ng limang ARTA officials dahil sa graft charges laban sa mga ito.

Nilinaw naman ng Ombudsman sa direktiba nito na hindi punishment ang suspension order sa mga ARTA officials kundi para masecure ang mga dokumento at mapigilan ang posibilidad ng harassment sa mga testigo dahil maaaring makakompormiso ang kaso laban sa kanila kung mananatili ang mga ito sa kanilang posisiyon.

Kasunod ng suspensiyon ng mga opisyal ng ARTA, itinalaga ng Malacañang si ARTA deputy director-general Undersecretary Ernesto Perez bilang officer in charge ng ARTA.

Una rito, naghain ng complaint ang DITO telecommunity laban sa ARTA officials ng paglabag sa Section 3 (e) of Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Base sa claim ng complainant, pinaburan umano ng limang opisyal ng ARTA aat binigyan ng special treatment ang ibang telecommunication firm sa pagpili ng bagong major player sa industriya.

Naghain naman ng motion for reconsideration ang mga ARTA officials sa Ombudsman at iginiit na ginawa lamang nila ang kanilang mandato salig sa Republic Act No. 11032 Section 10 o ang Ease of Doing Business law.