Kinondena ng Palasyo Malacañang ang pagpaslang sa Abra lawyer na si Atty. Maria Saniata Liwliwa Gonzales Alzate at nangakong hindi titigil ang law enforcement authorities hanggang sa maisilbi ang hustisya at maresolba ang kaso.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, nagpapatuloy na ang hot pursuit operations at nananawagan sa publiko na manatiling vigilant.
Inilarawan pa ni Bersamin si Atty. Alzate bilang isang walang takot na abogado at nakiramay sa naulilang pamilya nito sa panahon ng kanilang pagluluksa.
Matatandaan na noong araw ng Huwebes nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa natutukoy na suspek lulan ng motorsiklo si Atty. Alzate sa harapan ng kanyang bahay na ikinasawi nito. Nasa loob noon ng kanyang kotse si Alzate nang mangyari ang krimen.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung ang pagpatay kay Alzate ay konektado sa mga kasong kanyang hinawakan.