BUTUAN CITY – Ilang oras na lang, pormal nang bubuksan ng pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur kasama ang Department of Education o DepEd-Caraga ang Palarong Pambansa 2026 sa Datu Lipus Makapandong Sports Complex sa Brgy. Patin-ay, bayan ng Prosperidad.
Base sa programa, pormal na magtitipon ang lahat ng delegado pasado ala-una mamayang hapon na susundan ng air exhibition ng Philippine Air Force pagsapit ng alas-tres ng hapon, at pagpapalabas ng VTR para sa Palaro Tu AgSur 2026 opening billboard.
Pagdating ng alas-kuwatro ng hapon, magsisimula ang pagpasok ng mga delegado at pagbibigay-galang sa kanila, na susundan ng pagtugtog ng pambansang awit at panalangin.
Pagkatapos nito ay Caraga at Agusan marches, kasunod ang welcome message ni Governor Santiago Cane Jr. at ceremonial turn over ng mga athlete’s kits at handing of banners na pangungunahan ni Gov Cane at DepEd Usec Malcolm Garma kasama ang mga regional directors.
Susundan ito ng multi-media presentation at pag-iilaw ng cauldron at ang panunumpa ng sportsmanship na pangungunahan ni Olympic gold medalist Hidilyn DIaz.
Ayon kay Governor Cane, magbibigay din ng mensahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tatapusin ang seremonya sa pamamagitan ng engrandeng opening show na tampok ang mga cheerleaders, hip hop dancers, drum queens, at mga guest performers.
















