Tinuturing ni Department of Migrant Workers (DMW) chief Susan Ople na symbolic ang pakikipagkita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa Filipino community sa Indonesia.
Ayon kay Ople, ipinapakita kasi nitong pagprayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang kapakanan ng mga OFWs.
Sa ngayon, nasa 7,448 na mga Pinoy ang nasa Indonesia base sa pinakahuling data ng DMW.
Karamihan sa mga Pinoy doon ay may hawak na managerial at technical o professional level positions gaya ng company directors, engineers, accountants, supervisors at mga guro.
Una rito, hiyawan ang sumalubong mula sa mga Pinoy sa Jakarta, Indonesia nang masilayan si Pangulong Marcos Jr. na nakipagkita sa Filipino community na bahagi ng kanyang unang araw na state visit doon.
Mainit ding winelcome ng mga Pinoy si Pangulong Marcos sa inorganisa nilang event sa Fairmont Hotel na nasa kabisera ng naturang bansa.
Mistulang nangangampanya rin ang pangulo nang humarap ito sa mga Pinoy dahil sa lakas ng hiyawan.
Samantala, ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong 2021, ang remittances mula sa overseas Filipinos sa Indonesia ay pumalo sa $17.5 million o katumbas ng P875-M.
Una rito ay naging vocal ang Pangulong Marcos sa kanyang mga plano para siguruhin ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers.
Kabilang na rito ang automation ng kanilang mga kontrata at ang One Repatriation Command Center, maging ng National Reintegration Program.