Kinuwestiyon ni Senador Jinggoy Estrada ang umano’y mabilis na pag-usad ng mga kasong isinampa laban sa ilang miyembro majority ng Senado, kasabay ng kanyang kinahaharap na plunder at graft case kaugnay ng umano’y flood control scandal.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Estrada na napansin niya ang mas mabilis na pagsasampa ng kaso sa majority bloc mula nang magpalit ng liderato sa Senado noong Mayo 11, kung saan pinalitan ni Senador Alan Peter Cayetano si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President.
Ikinakasa rin umano ang mga kaso laban kina Sen. Chiz Escudero, Sen. Joel Villanueva, at Sen. Rodante Marcoleta, bukod sa kanyang sariling kaso.
Sa kabila nito inihain ng Ombudsman, na walang inirekomendang piyansa sa kaso ni Estrada na isinumite sa Sandiganbayan. Kaugnay ito ng alegasyong tumanggap umano siya ng P573 million kickback mula sa mga proyekto sa flood control.
Mariing itinanggi ng senador ang mga paratang at iginiit na handa siyang gumamit ng lahat ng legal remedies upang kuwestiyunin ang mga ito.
Ayon sa kanya, may mga ebidensyang hindi umano nabigyan ng sapat na timbang, kabilang ang sulat mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na nagsasabing wala siyang ginawang budget insertions sa 2025 national budget.
Ipinunto rin ni Estrada na hindi umano siya nabigyan ng sapat na pagkakataon na suriin ang mga resolusyon ng Department of Justice (DOJ) at Ombudsman bago naisampa ang kaso, na aniya ay may epekto sa kanyang karapatan sa due process.
Giit pa ng senador, patuloy niyang ipaglalaban ang kanyang pangalan at hahanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng tamang legal na proseso.
















