-- Advertisements --

CEBU CITY – Mahigpit nang binabantayan ng Department of Health (DOH)-7 ang bawat aktibidad alinsunod sa kanilang mas pinahigpit na hakbang laban sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-cov ARD).

Ayon kay DOH-7 director Dr. Jaime Bernadas, mas pinatibay na ang pakikipag-ugnayan nila sa mga local government units (LGUs) at sa mga national agencies.

Binubuo aniya ang bawat LGU ng intensified command system upang baybayin at mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon ang sinumang mahawaan ng Wuhan novel coronavirus.

Dagdag pa ni Bernadas na nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Bureau of Quarantine upang higpitan ang seguridad ng mga pantalan at paliparan sa mga pasahero.

Samantala, inaasahan din ang publiko na magbibigay ang DOH ng pinakabagong updates at developments sa n-cov tuwing hapon.

Kasabay nito ay nagpaalala si Bernadas sa mga mamamayan na ugaliing makibalita sa mga ahensya patungkol sa naturang sakit at huwag basta-bastang magpapakalat ng unverified information sa internet.