LEGAZPI CITY – Tinawag na ‘baseless’ at ‘unfair’ ng isang abogado at commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang apela ni Vice President Leni Robredo na itigil na ang anti-drug war campaign sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na dapat nang abandonahin ang umano’y bigong kampanya na nagdulot lamang ng pagkamatay ng ilang mahihirap kesa sa malalaking drug networks at pingas sa reputasyon ng Pilipinas sa international community.
Payo ni PACC Commissioner Manuelito Luna kay Robredo, huwag tumingin sa isang anggulo lamang dahil marami na ring law enforcers na nagbuwis ng buhay para sa tagumpay ng kampanya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sinabi ni Luna na sakop ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang “war on drugs” na pinalakas lamang ng kasalukuyang administrasyon na tila nakakalimutan umano ng Pangalawang Pangulo.
Suhestiyon pa ni Luna kay Robredo na imbes na magpatuloy sa pagkontra sa drug war, magrekomenda na lamang ng mga programa at pamamaraan upang mapigilan ang problema.
Babala pa nito na posibleng sumobra na ang mga pahayag ni Robredo, taliwas sa Code of Conduct ng isang government official at posibleng pumasok sa paglabag sa Revised Penal Code ukol sa inciting to sedition dahil umano sa pagsira sa flagship program ng gobyerno.