-- Advertisements --
vaccine vaccinated COVID resident makati

Pansamantalang itinigil ng Pamahalaang Panlungsod ng Maynila ang pagtuturok ng COVID-19 Bivalent Vaccines sa mga residente ng nasabing lungsod.

Ito ay matapos maubos ang supply ng nasabing uri ng bakuna.

Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Manila City, naunang iniulat sa kanila ng Manila Health Department ang tuluyang pagkaubos ng kanilang ginagamit na supply, lalo na at limitado pa lamang ang volume nito.

Sa kasalukuyan kasi ay umaabot na sa 8,223 ang bilang ng mga indibidwal na naturukan ng bivalent vaccine bilang ikatlong booster shot laban sa COVID-19.

Maalalang nauna nang hinikayat ni Health Sec Ted Herbosa ang mga Lokal na Pamahalaan na ubusin na ang kanilang supply ng mga bivalent vaccine bago pa mag-expire ang mga ito.

Malaking bulto kasi ng mga nasabing uri ng bakuna ay nakatakdang mag-expire sa Nobiembre ng kasalukuyang taon.

Ayon sa Manila City LGU, maglalabas na lamang ito ng panibagong advisory sa mga susunod na araw kung kailan magkakaroon muli ng panibagong supply at muling ipagpapatuloy ang pagbabakuna ng bivalent vaccine.