ILOILO CITY – Binatikos ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) ang pagtanggap ng West Visayas State University (WVSU) sa La Paz, Iloilo City kay first Lady Atty. Louise “Liza” Cacho Araneta–Marcos na magturo sa College of Law.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Jobert Pahilga, founding member ng NUPL, sinabi nito na ang pagturo ng first lady sa asignatura na Criminal Law 1 ay paglapastangan umano sa mga biktima ng Martial Law kung saan ang pamilya ng kanyang mister na si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ay iniugnay sa mga human rights abuses.
Ayon kay Pahilga, hindi maikakaila na qualified sa pagturo ang unang ginang ngunit dapat rin anya na magkaroon siya at ang unibersidad ng delicadeza o dignidad.
Anya sa halip na maging mabuti ang imahe ng College of Law sa WVSU, malalagay pa ito sa kontrobersiya kung saan maging ang student regent at mga law students ay bumabatikos rin sa pagiging law professor sa Criminal Law 1 ng unang ginang.