-- Advertisements --

Mismong World Health Organization (WHO) na ang nagsabi na posibleng abutin ng higit isang taon bago madiskubre ng mga eksperto at scientists ang bakuna laban sa virus ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Socorro Escalante, na siyang acting country representative ng WHO sa bansa, mayroon nang anim na bakunang sentro ng pag-aaral ngayon ng iba’t-ibang estado.

“Meron na po tayong na tinatawag natin na candidate vaccines na kasalukuyang pinag-aaralan sa iba’t ibang parte ng mundo at ang pinakamaaga po na ang mga bakuna na ito ay pwedeng lumabas at mai-rehistro sa mga iba’t ibang bansa ay mga 1 year to 1⁄2 years,” ani Dr. Escalante.

“So, yun po yung pinaka short test period na pwedeng ang bakuna ay mapag-aralan na ligtas at epektibo at pwede na pong gamitin ng tao.”

Umiikot sa apat na proseso ang pag-develop ng bakuna: research and development, laboratory and animal studies, clinical trial at registration sa mga bansa kapag napatunayan na ang mabuting epekto ng bakuna.

Sa ngayon, habang hinihintay pa ng buong mundo ang pagtuklas sa bakuna laban sa sakit, maaari raw ikonsidera ng pamahalaan ng Pilipinas ang ilang hakbang.

“I think that the country could take advantage of the vaccines that are now in the pipeline na atin pong pinag-aaralan ngayon. What is key is for the country to be able to prepare its regulatory processes. So, meron po tayong tinatawag na National Regulatory Authority in the context of the Philippines, it’s the Food and Drug Administration.”

“In the process, in the future, kung gusto po ng bansa natin na magdevelop pa ng vaccine on its own, yun po yung tinatawag natin na local production. Kailangan na po nating paghandaan yung local production capacity ng bansa, particularly po yung teknolohiya na kailangan.”