-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakasagupa ng tropa ng 54th Infantry Battalion ang halos pitong miyembro ng Komiteng Larangang Guerilya – Abra Mountain Province Ilocos Sur (KLG-AMPIS) sa Sitio Balay, Barangay Tulgao, Tinglayan, Kalinga kahapon, ikawalo ng Disyembre.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Capt. Rigor Pamittan, Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na nagsasagawa ng security operations ang tropa ng 54IB na nasa operational control ng 702nd Infantry Brigade ng 7th Infantry Division sa Tinglayan Kalinga nang nakasagupa nila ang mga miyembro ng KLG AMPIS.

Mapalad namang walang tinamaan sa tropa ng pamahalaan ngunit may mga bakas ng dugo sa lugar kaya pinaniniwalaang may mga nasugatan sa mga tumakas na teroristang grupo.

Nakipag-ugnayan na rin ang 54IB sa Kalinga Police Provincial Office (KPPO) para sa pursuit operation at pagsasagawa ng checkpoint sa karatig lugar na maaaring daaan ng teroristang NPA sa kanilang pagtakas.

Una rito, may mga impormasyon mula sa mga mamamayan na may mga gumagalang NPA sa lugar na agad namang tinugunan ng kasundaluhan.