BAGUIO CITY – Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Abra ang pagtatayo ng decontamination chambers sa lahat ng barangay sa lalawigan.

Ayon kay Abra Governor Joy Bernos, kailangang mahigpitan ang kampanya laban sa coronavirus disease pagkatapos maitala ang tatlong positibong kaso sa Abra.

Ipinaliwanag niyang gagamitin ang mga decontamination chambers sa lahat ng taong lalabas at papasok sa Abra.

Ayon sa gobernadora, gagamit ang lokal na pamahalaan ng disinfectant solution sa mga foot baths.

Sinabi pa niyang mabibigyan ng decontamination solution ang mga pribadong establisiemento gayundin ang mga pribado at para-publikong opisina para may magamit ang mga taong papasok sa mga pasilidad.

Ipinag-utos pa ng opisyal ang decontamination sa lahat ng sasakyang lalabas at papasok sa Abra.