-- Advertisements --

Ganap ng batas ang paglalagay ng specialty centers sa regional hospitals sa buong bansa, kaya obligado na ang Department of Health na maglagay ng specialty centers sa mga ospital nito sa bawat rehiyon sa buong bansa.

Ito’y matapos lagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11959 o “Regional Specialty Centers Act.”

Layunin ito ng administrasyon para masiguro ang accessible at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat.

Bukod sa DOH hospitals, sakop rin ng batas ang GOCC specialty hospitals.

Target maserbisyuhan ng itatatag na specialty centers ang mga maysakit na cancer, sakit sa puso, baga, bato at iba pa.

Una nang sinabi ng Pangulo na hindi niya matitiis na makitang may mga Pilipinong nagdurusa sa sakit dahil walang mapuntahang pagamutan.

Iginiit rin nito na hindi naman pribilehiyo ang health care kundi karapatan ng bawat mamamayan na dapat natutugunan ng pamahalaan.

Magiging epektibo ang batas sa loob ng 15 araw matapos ang full publication sa Official Gazette.