Tinatalakay ngayon ng Department of Health (DOH) at National Vaccination Operations Center (NVOC) ang pagtatayo ng mga vaccination site sa mga polling center sa May 9.
Layunin nito na mahikayat ang mga botante na magpabakuna laban sa COVID-19 sa mismong araw ng eleksyon.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasalukuyan nila itong pinag-uusapan ngayon sa kabila ng mga posibilidad na maaari itong magdulot ng overcrowding sa mga polling precinct.
Aniya, dahil sa karapatan din ng mga vaccinator at healthcare workers na bumoto ay posibleng isagawa ito by schedule o di kaya’y itayo na lamang malapit sa mga voting centers ang mga vaccination sites.
Samantala, nilinaw naman ni Vergeire na ang naturang panukala ay saklaw pa rin ng awtoridad ng mga local government unit at nakadepende pa rin sa kanila ang pagpapasya ukol dito.
Sa kabilang banda ay muli nanawagan ang kagawaran sa publiko na mas maging maingat lalo na sa mismong araw ng halalan dahil posible anila itong maging sanhi ng mabilis na pagkalat ng virus.
Hinikayat naman nito na huwag nang lumabas pa sa kanilang mga tahanan para bumoto ang mga botanteng positibo sa COVID-19, mga na-expose sa pasyenteng may COVID-19, at mga may sintomas ng nasabing virus.