Ipagpapatuloy ng Bureau of Corrections (BuCor) ng pagtatayo ng bagong headquarters sa may Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal sa oras na magbigay na ng go-signal ang mga urban planning expert.
Ayon kay BuCor chief Gregorio Catapang Jr, ilan sa mga eksperto ay magmumula sa University of the Philippines (UP) School of Urban and Regional Planning.
Inihayag ni Catapang na kaniyang irerekomenda na ituloy ang nasabing proyekto nang hindi masisira ang ecological environment sa Masungi.
Tiniyak naman ng BuCor official sa publiko na gagamitin lamang ng Bureau ang nasa 20 hanggang 30 ektarya mula sa disputed 270 hectares at itatayo ang headqurater sa bakateng lote sa may paanan ng bundok.
Ang naturang hakbang ay kasunod ng plano ng BuCor na magtayo ng headquarters sa Masungi na umani ng batikos mula a pamunuan ng parke dahil sa magkasalungat na legal claims bagamat ang titulo ng nasabing lupa ay pag-aari ng bureau.
Una ng inihayag ng Masungi Georeserve na ang naturang lugar ay hindi maaaring pagtayuan ng gusali dahil sa bulubundukin nito. Ipinangangamba din ng Masungi na maaaring makasira sa environment ang konstruksiyon ng headquarter ng BuCor kung saan inaaashang mawawala ang geological heritage na na-restore sa nakalipas na dalawang dekada.