Naniniwala ang isang grupo ng digital campaigners na mas mapapainam ng pagtatatag ng physical sim registration booth ang pagpapatupad ng online sim registration sa bansa na nagsimula na ngayong araw.
Ito ay sa gitna ng mga napapaulat na kaliwa’t kanang nararanasang aberya ng ilan sa ating mga kababayan na sumusubok na magparehistro ng kanilang mobile numbers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Digital Pinoys National Campaigners Ronald Gustilo ay sinabi niya na isa ang pagtatatag ng physical sim registration sa nakikita nilang solusyon sa magiging aberya ng online SIM registration.
Milyun-milyong Filipino subscribers kasi aniya ang mayroon sa buong bansa dahilan kung bakit hindi rin maiiwasan na makwestiyon kung kakayanin ba ng capacity ng mga website ng mga telecommunications company ang pagdagsa ng mga ito para sa online na pagpaparehistro para sa nasabing batas.
Aniya, sa pamamagitan ng physical registration maiiwasan ang pagbuhos ng lahat ng mga subscriber sa online registration.
Bukod dito ay mabibigyan din ng pagkakataon ang mga indibidwal na nasa malalayong lugar na mas madaling makapagparehistro partikular na yung mga taong walang smart phones.
Ani Gustilo, “Well.. the mere fact na umpisa pa lang ay nilutang na nila yung pag e-extend ng deadline proof na yan na talagang alam nilang magkakaroon ng aberya ‘no? well, okay naman yan kasi part din ng preparation yan pero again.. ang best way para masolusyonan yung mga problema para magregister yung mga tao ay yung pagse-set up talaga ng mga physical registration booths.. hindi uubra na online ang lahat ng registration.”.
“May question pa kung kaya ba ng capacity ng mga website ng telcos yung pagdagsa ng mga subscribers, ilang milyon ang subscriber dito sa Pilipinas na kailangang mag-rehistro. So, kailangan talaga itong solusyonan para hindi mag congest.” dagdag pa niya.
Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi rin Gustilo na sa kabila nito ay umaasa pa rin ang kanilang grupo na ang mga telecommunications company ay naghanda para sa araw na ito at gumawa ng mga hakbang upang matiyak na ang proseso ng pagpaparehistro ay magiging madali para sa lahat ng mga Pilipino.
Kung maaalala, buwan ng Oktubre ng taong kasalukuyan nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act 11934 o mas kilala sa SIM Registration Act na layuning masugpo ang paglaganap ng online scams sa bansa na nakapang-biktima na ng maraming mga Pilipino.