Suportado ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang panukalang batas na naglalayong magtatag ng isang nationwide Integrated Emergency Medical Services System (EMSS) upang matiyak ang mabilis, maayos, at de-kalidad na medikal na pagtugon sa bansa.
Ito ay matapos aprobahan ng House Committee on Health ang konsolidasyon ng siyam na panukalang batas na naglalayong gawing institusyonal ang EMSS sa pambansa, rehiyonal, at lokal na antas.
Ayon kay Committee Chair at Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., bagamat may pambansang emergency hotline na isang dekada na ang nakalilipas, kulang pa rin ang bansa sa isang pinag-isang sistema.
Ang kasalukuyang hiwa-hiwalay na sistema ay nagiging sanhi ng mabagal na response time at mga kamatayan na maaari sanang maiwasan.
Sa ilalim ng bagong panukala, magkakaroon ng iisang pambansang pamantayan sa pagsasanay ng mga responder, emergency transport, koordinasyon sa mga ospital, at regulasyon ng mga ambulansya.
Todo-suporta naman ang Department of Health (DOH) sa pamamagitan ni Undersecretary Dr. Albert Francis Domingo, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapalakas sa pre-hospital emergency care lalo na sa mga liblib na lugar.
Ayon naman kay Akbayan Rep. Percival Cendaña, isa sa mga may-akda ng bill, ang hakbang na ito ay magpapakilos sa kasalukuyang tulong mula sa LGUs, pribadong ambulansya, at volunteer organizations tungo sa isang organisadong pambansang framework.









