-- Advertisements --

Binatikos ng dalawang kongresista ang pagtatapon ng dumi ng tao ng ilang mga barko ng China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.

Sa isang statement, sinabi ni Gabriela party-list Representative Arlene Brosas na malinaw na panunuya sa soberenya ng Pilipinas ang ginawa ng mga Chinese vessels na ito.

Nakakadiri aniya na ganito ang ganti ng Beijing sa Pilipinas matapos na sabihin ni Duterte na “piece of paper” lamang ang ruling ng The Hague na nag-invalidate sa malawakang claims ng China sa pinagtatalunang bahagi ng karagatan.

Ayon kay Brosas, dapat na masusi at kagyat na maimbestigahan ang pagtatapon ng dumi ng tao ng mga barko ng China sa West Philippine Sea dahil nagdudulot ito ng pinsala sa likas na yaman ng bansa.

Kaugnay nito ay maghahain aniya sila ng resolusyon para masilip ang paggawa ng China sa West Philippine Sea bilang kanilang inidoro.

Ganito rin ang pagpuna ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat, sa pagsasabi na mapinsala ito sa maritime resources ng Pilipinas.

Nanawagan siya sa Department of Environment and Natural Resources na imbestigahan ang usapin na ito.

Hindi aniya dapat pakupad-kupad ang gobyerno sa issue na ito sapagkat soberenya ng bansa ang nakasalalay din dito.

Kahapon, sinabi ni Liz Derr, founder at CEO ng Simularity, na ilang taon nang nagtatapon ng dumi ng tao ang mga Chinese vessels sa ilang bahagi ng West Philippine Sea, dahilan para magkaroon ng Chlorophyll-a blooms.