Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagsuporta sa hangarin ng maraming mambabatas na makapagtatag ng OFW Social and Retirement System.
Ayon kay DMW OIC Undersecretary Hans Leo Cacdac, matagal nang hinihiling ng mga OFWs na magkaroon ng ganitong sistema, bago pa man ito isinulong ng mga mambabatas.
Nauna na aniya nilang nakausap ang mga OFWs kasama ang mga tinatawag nilang OFW veterans o mga Pinoy workers na matagal nagtrabaho sa ibang bansa, at nagpahayag din ang mga ito ng kanilang pagsuporta.
Una nang inihain sa Kamara de Representantes ang ilang mga panukalang batas na kinabibilangan ng House Bill 5902, 6612, atbp, na naglalayong makapagtatag ng hiwalay na social benefits at sariling pension system para sa mga OFWs.
Sa ilalim ng mga panukala, sasaklawin nito ang mga OFWs na may sapat na dokumento sa kanilang pag-iibang bansa, o yaong mga documented OFW lamang.
Dahil dito, sinabi ni DMW Assistant Secretary Venecio Legaspi na isaalang-alang din dapat ang mga OFWs na hindi documented.
Ang mga naturang mangagawa aniya ang mas nangangailangan ng tulong, lalo na ang mga serbisyo sa ilalim ng social security.
Si Asec Legaspi ay 29 na taong nagtrabaho rin sa iba mga bansa, kayat pamilyar aniya siya sa sitwasyon ng ibang mga overseas Pinoy workers.
Pinapatiyak din ng opisyal na malinaw ang susunding mga panuntunan na kinabibilangan ng deduction sa sahod ng mga OFW, kasama na ang hatian ng kontribusyon sa pagitan ng mga manggagawang pinoy at ang kanilang mga employer.