Welcome para kay National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) executive director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Ricardo Jalad ang pagtatag ng Department of Disaster Management (DDM) na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) nitong nakalipas na Lunes, July 23.
Subalit nakadepende pa rin umano sa Kongreso kung maisasabatas nila bago matapos ang taon ang paglikha ng bagong Department of Disaster Management.
Ayon kay Usec. Jalad, ang paglikha ng DDM ay noon pang 2015 isinusulong at itinuloy lang nang mag-takeover ang bagong administrasyon dahil sa nakita ang pangangailangan na magkaroon ng isang hiwalay na departamento na tututok sa mga sakuna.
Kapag naitatag ang DDM, magiging mas mabilis na aniya ang pagresponde sa mga natural na kalamidad dahil isang departamento na ang magmamando sa lahat ng aktibidad.
Ngunit kulang pa raw sa ngayon ang kapangyarihan ng OCD dahil ito ay isang Bureau lang na nasa ilalim ng DND at kailangan pang makipag-coordinate sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.