-- Advertisements --

NAGA CITY – Binigyang-diin ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist na kaillangang ipagpatuloy ang pagsulong sa Kongreso sa pagbuo ng Department of Disaster Resilience dahil sa mga nararanasang mga kalamidad.

Ang naturang pahayag ang iginiit ni ACT-CIS Rep. Niña Taduran matapos ang pagbisita nito sa mga naapektuhang mga residente ng pag-aallburoto ng Bulkang Taal.

Ayon kay Taduran, nakita niya na mas kailangan ng bansa ng isang departamento na mayroong mismong command center sa lahat na ahensya na pweding makatulong sa mga maaapektohan ng kalamidad.

Aniya, mabuting mas magkaisa ang mga tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa.

Ayon sa mambabatas maganda at mas kailangan ng lahat ang nasabing panukala dahil mas magiging handa aniya ang gobyerno sa magresponde sa mga hindi inaasahang pangyayari.