Iminimungkahi ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo na bumuo o magtatag ng isang joint committee mula sa House of Representatives at Senado na siyang mag evaluate at maghanap ng mga solusyon para tugunan ang may sakit na health care system sa bansa.
Sa isang resolusyon na inihain noong November 8,2023 binigyang-diin ni Quimbo ang pangangailangang agarang tugunan ang mahirap na kalagayan ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa na nailalarawan sa “mahinang resulta sa kalusugan, kawalan ng access sa kalidad na pangangalaga at hindi mahusay na paglalaan ng mga resources.”
Ang komite na itinutulak ni Quimbo ay magiging responsable para sa masusing pagsusuri, assessment at evaluation ng mga tanggapang sangkot sa pagbibigay ng access at pagpopondo ng pangangalagang pangkalusugan at magsisilbing unang hakbang tungo sa isang potensyal na pagbabago ng sistema.
Sa ilalim ng panukala ni Quimbo, limang senador at limang kinatawan ang bubuo sa joint committee, na co-chaired ng chair ng Senate Committee on Health and Demography at ng House chair ng Committee on Health.
Ayon sa Kongresista ang “kakulangan sa mga medikal na tauhan, kakulangan ng kapasidad sa espasyo ng ospital, kawalan ng pagtuon sa preventive care, hindi matagumpay na mga pagsisikap na tugunan ang mga kaso ng HIV, adolescent pregnancy and infant mortality rate” lahat ay tumutukoy sa isang mahinang sistema ng pangangalaga sa kalusugan ng bansa.
Karamihan din sa mga pasyente na miyembro ng Philhealth ay nagbabayad ng kanilang medical expenses mula sa kanilang mga ulsa dahil hindi sapat ang reimbursement mula sa state health insurance.
Tinukoy din ng resolusyon ang umano’y kabiguan ng PhilHealth, ang national health insurance provider ng bansa, na epektibong gampanan ang mandato nito bilang isa pang makabuluhang salik na nagpapalala sa mga problema sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan.
Binigyang-diin ni Quimbo ang pangangailangang makabuo ng mas napapanahong diskarte sa kasalukuyan at mabilis na umuusbong na sitwasyon sa pangangalagang pangkalusugan.