Binigyang diin ng DICT na ang pagtanggal sa iminungkahing confidential funds ng departamento para sa susunod na taon ay magbabawas sa kakayahan ng ahensya na tugunan ang mga banta sa cybersecurity.
Ito ay matapos i-realign ng House of Representatives ang P1.23 bilyong halaga ng confidential funds na pag-aari ng limang ahensya sa ilalim ng panukalang P5.768-trillion na budget para sa 2024.
Dahil dito, tinapyasan ang DICT ng P300 milyon na confidential fund allocation sa ilalim ng proposed amendments ng Kamara para sa 2024 budget.
Ayon kay DICT Sec. Ivan John Uy, ang kanilang confidential fund ay upang maglunsad ng investigations, intelligence gathering, at ng threat analysis.
Ito ay aniya malaki ang tulong sa pagsugpo sa cyber crime at cyber threats na talamak sa buong bansa.
Nauna nang sinabi ni Uy na ang DICT ay nangangailangan ng confidential fund para magsagawa ng intelligence gathering at imbestigasyon upang matupad ang mandato nitong habulin ang mga scammers.
Kasunod ng pagtanggal ng confidential fund allocation ng DICT, sinabi ni Uy na nasa kamay na ng mga mambabatas ang kapalaran ng cybersecurity ng bansa.