-- Advertisements --

Umapela ang labor group na Partido Manggagawa sa administrasyong Marcos na i-sertipika na bilang ‘urgent’ ang panukalang dagdag na P200 sa arawang sahod ng mga mangagawang Pilipino.

Ginawa ng grupo ang naturang apela kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Paggawa ngayong May 1, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay dating Rep. Rene Magtubo, Chairman ng naturang partido, sinabi niyang mas nakararaming mambabatas ang sumusuporta sa naturang panukala, lalo na sa Kamara de Representantes, ngunit hindi lamang ito nakakalagpas sa lebel ng Senado.

Paliwanag ng labor leader, bagaman noong 19th Congress ay nakakuha na ito ng sapat na suporta mula sa Kamara, hindi ito pinalad na makaalpas sa mataas na kapulungan matapos itong ipitin ng nakalipas na Senate leadership.

Gayunpaman, kung i-certify lamang ito ng pangulo bilang ‘urgent’ at ituring bilang ayuda sa mga manggagawa, magiging malaking tulong aniya ito sa mga Pilipinong patuloy na naghihirap dahil sa mababang pasahod.

Binalikan din ng dating mambabatas ang itinutulak ng labor groups na tuluyang pagtanggal sa provincial rate o hindi pagkakapantay-pantay ng pasahod sa bawat probinsiya.

Ayon sa labor leader, pare-parehong apektado ang bawat rehiyon sa napakataas na presyo ng mga bilihin ngunit nananatiling hindi pantay ang sahod ng mga manggagawa mula sa Metro Manila at iba pang rehiyon ng bansa.

Ang ibang rehiyon aniya ay labis pang tumatanggap ng napakababang sahod gayong mas mataas pa roon ang presyo ng petrolyo at pangunahing bilihin.