Hindi nakaligtas sa mata ng publiko ang pagtanggal ng estatwa ni Winston Churchill sa bagong hitsura ng Oval Office sa unang araw nang pag-upo ni President Joe Biden bilang bagong pinuno ng Estados Unidos.
Sa halip ay pinalitan ito ng mga estatwa nina Latino civil rights leader Cesar Chavez, Rev. Martin Luther King Jr., Robert F. Kennedy, Rosa Parks at Eleanor Roosevelt.
Ang mga ganitong uri ng estatwa ay sumisimbolo sa pinaniniwalaang pananaw ng isang pangulo ng Amerika.
Si Churchill ay nagsilbing prime minister ng Britanya noong 1940 hanggang 1945 kung kailan naganap ang World War II. Siya rin ang nanguna sa mamamayan ng Britanya na ipaglaban ang kanilang bansa na nasa bingit na ng pagkatalo.
Ginawa ito ng English sculptor na si Sir Jacob Epstein na unang inilagay noon sa tahanan ng British ambassador sa Washington at ipinahiram kay dating U.S. President George W. Bush noong Hulyo 2001.
Binalik lamang ito sa British ambassador noong Obama administration dahil ayon dito ay wala na raw pwesto sa Oval Office kung kaya’t kailangang magbawas ng gamit.
Saka lamang ito binalik noong si dating U.S President Donald Trump na ang nakaupo bilang pangulo noong Amerika. Inamin ni Trump na avid fan siya ni Churchill dahil naging tunay itong ka-alyado ng Amerika noon.
Naniniwala ang ilang British officials na tinanggal ni Biden sa loob ng Oval office ang estatwa ni Churchill upang ipakita raw ang gusot sa relasyon nila ni British Prime Minister Boris Johnson makaraang lisanin ni dating U.S. President Donald Trump ang White House.
Hinala ngayon ng mga ito na pinatutunayan ni Biden na imposibleng magkaroon sila ng rapport ni Johnson na sumuporta sa Brexit at ilang beses na pinuri si Trump.