
Nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) na iimbestigahan pa nila kung may nilabag si dating Cebu City Mayor Tomas Osmeña nang alisin nito ang mga gamit ng kanyang tanggapan kasabay ng pagbaba sa pwesto.
Ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya, tanging mga personal na gamit lang gaya ng mesa, upuan at computer ang maaaring alisin ng isang lokal na opisyal sa kanyang opisina kapag nagtapos na ang termino nito.
Nauna ng dumepensa ang kampo ni Osmeña at sinabing walang batas na nilabag ang bumabang alkalde dahil ito naman daw ang gumastos sa renovation ng opisina.
Pero ani Malaya, dapat ay naghain ng claim for indemnification si Osmeña para mabawi pa nito ang gastos sa mga itinuturing na immovable projects ng opisina gaya ng tiles at kisame.
Posible raw kasing nilabag ng dating alkalde ang nilalaman ng Anti-Graft law.
“The act of even of removing what are considered immovable objects like ceilings, walls, and the tiles is already bad faith because it renders the office, which is government property, as unusable by his successor and therefore affects the delivery of public service to the people of Cebu City.”
Nauna ng sinabi ni incoming Cebu City Mayor Edgardo Labella na sisilipin din nito kung anong batas ang posibleng nilabag ni Osmeña sa ginawa nito.










