Itinuring ng China na ‘self amusement’ ang hakbang ng Pilipinas na alisin ang floating barrier sa Scarborough Shoal na inilagay ng China Coast Guard.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin, ang ginawang hakbang ng Pilipinas ay isang paglilibang at pagliligalig lamang.
Inulit nito na ang Scarborough Shoal ay teritoryo umano ng China at patuloy nitong poprotektahan ang kanilang nasasakupan at maritime rights sa nasabing bahagi ng shoal.
Ginawa ni Wang ang pahayag nang tanungin kung inalis ng China ang mga natitirang floating barriers.
Matatandaan na inalis ng Pilipinas ang floating barrier na sinabi nitong inilagay ng Chinese Coast Guard (CCG) sa timog-silangang bahagi ng Scarborough Shoal.
Ang pagtanggal ay ginawa sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at National Security Adviser Eduardo Año, na namumuno din sa National Task Force para sa West Philippine Sea.
Una nang sinabi ni Wang na inilagay ng China ang floating barrier upang maiwasan ang pagpasok sa Scarborough Shoal ng isang BFAR vessel.