-- Advertisements --

Ikinatuwa ng Department of Finance ang pagtaas ng ranking ng Pilipinas sa investor relations at debt transparency.

Ito ay kasunod ng 2023 Investor Relations and Debt Transparency Report na inilabas ng INternational Finance(IF), nitong Hunyo ng kasalukuyang taon.

Sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ito ay resulta ng maayos na samahan at kooperasyon sa pagitan ng mga mamumuhunan o mga investors at ang economic team ng kasalukuyang administrasyon.

Naging madiskarte aniya ang economic team ng bansa, lalo na sa mga isinagawa nitong mga pagpupulong at roadshow, para lamang mahikayat ang mga mamumuhunan na mag-invest sa Pilipinas.

Magugunitang pumangatlo ang Pilipinas sa 41 mga bansa sa Investor Relations(IR) practices, matapos itong makakuha ng score na 47.8 mula sa 50.

Ito ay mas mataas ng 6.4 points kumpara sa nakuha nito noong nakalipas na taon kung saan nakuha ng Pilipinas ang ika-labindalawang puwesto.