Nilinaw ngayon ni Interior Undersecretary Martin Diño na voluntary lamang ang pagsusuot ng vaccination cards sa tuwing lalabas ng bahay sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ito ni Diño matapos niyang sinabi kahapon sa Laging Handa briefing na kakausapin niya ang IATF hinggil sa mungkahi niyang ito para “maiutos sa lahat ng barangay na ito na sana ang maging sakripisyo ng bawat Pilipinong nabakunahan” na kontra COVID-19.
Pero ngayon, sinabi ng opisyal na voluntary lamang ito para hindi maabala sakaling tanungin sa kanilang vaccination status sa tuwing lalabas ng bahay.
Magugunita na simula nang ipinatupad ang alert level system sa Metro Manila pinayagan na ang dine-in services sa iba’t ibang business establishments, pero sa limitadong capacity lamang para sa mga fully vaccinated nang indibidwal.